News

PAGDIRIWANG NG IKA-116 TAONG ANIBERSARYO NG SERBISYO SIBIL OPISYAL NANG NAGSIMULA!

Opisyal nang nagsimula ang pagdiriwang ng ika-116 na taong anibersaryo ng Serbisyo Sibil sa lalawigan. Ito ay sa pamamagitan ng isinagawang opening program na ginanap kahapon, September 5, 2016 sa Sultan Kudarat Sports and Cultural Center, Isulan, Sultan Kudarat.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng daan-daang mga lingkod bayan mula sa iba’t-ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan at mga ahensya ng pamahalaan.

Naroon din sina Sultan Kudarat Governor Sultan Pax S. Mangudadatu Al Haj, Vice Governor Raden S. Sakaluran Al Haj, DILG Provincial Director Margarita H. Baynosa at CSC SK Field Office Director Ma. Josefina Gepte-Buenbrazo at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan upang pangunahan ang naturang selebrasyon.

Sa temang “Sigaw ng mga Lingkod Bayani: Malasakit sa Taumbayan, Kapwa Kawani at Kalikasan” umikot ang pananalita ni DILG Regional Director Reynaldo M. Bungobong, CESE na naging panauhing pandangal sa nasabing programa.

Isa naman sa naging highlight ng naging pagbubukas ay ang paggawad ng Human Resource Leadership Award kay Governor Pax dahil sa epektibong pamamahala nito ng human resources ng lalawigan.

Samantala, nagbigay kulay rin sa naging programa ang isinagawang Variety Show Competetion kung nagbigay ng kani-kanilang interpretasyon tungkol sa tema sa pamamagitan ng sayaw at pag-awit ang mga kawani. Nasungkit ng Provincial Government ang ikatlong pwesto. Pumangalawa naman ang Dep-Ed Sultan Kudarat at itinanghal naman sa pangalawang pagkakataon bilang kampeyon ang Sultan Kudarat State University.

Bukod dito puno rin ng iba pang mga aktibidad ang buwan ng Setyembre. Ilan sa mga ito ay ang libreng gupit, manicure, pedicure, jobs fair, drug free welfare advocacy, mga symposium at diskwento caravan.

Samantala, magtatapos naman ang pagdiriwang ng anibersaryo ng serbisyo sibil ng lalawigan sa isasagawang Family Day sa huling araw ng kasalukuyang buwan. (JBAujero/PPDO-SK)

Related Links