Governor's Accomplishments, News

GOV. “TENG” MANGUDADATU, SINABITAN NG RANGGONG LT. COL.

Opisyal na inilagay ni MGen. Romeo L. Gapos kay Sultan Kudarat Governor Datu Suharto T. Mangudadatu, Al Haj ang ranggong Lieutenant Colonel, Phil. Army (Reserve, AFP) noong nakaraang Lunes sa pamamagitan ng isang seremonya na ginanap sa 6th Infantry Division Headquarters, Camp Siongco,  Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakamasid ang maybahay ni Governor Mangudadatu na si Datu Abdullah Sangki Mayor Bai Marriam S. Mangudadatu at anak na si Datu Pax Ali habang sinasabitan ng ranggo bilang Lieutenant Colonel. (Kuha ni Jerry C. Atanoso/PPDO-SK)

Nakamasid ang maybahay ni Governor Mangudadatu na si Datu Abdullah Sangki Mayor Bai Marriam S. Mangudadatu at anak na si Datu Pax Ali habang sinasabitan ng ranggo bilang Lieutenant Colonel. (Kuha ni Jerry C. Atanoso/PPDO-SK)

Ang pagsusuot ng naturang ranggo ay pinagtibay sa pamamagitan ng General Orders Number 265 na nilagdaan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Emmanuel T. Bautista.

Bago pa man sinimulan ang flag raising ceremony, si Governor Mangudadatu ay mainit na sinalubong ng mga opisyal ng Kampilan o 6th Infantry Division.  Kaagad na binuksan ang seremonya sa pamamagitan ng pag-awit ng Lupang Hinirang pinangunahan ni Ms. Michelle Valenzuela, CE at panalangin na pinangunahan naman ni Captain Usidro U. Balistoy CHS (PA).  Pagkatapos ng panunumpa ng katapatan, opisyal na ipinakilala ang Gobernador bilang pangunahing tagapagsalita.

Sa pananalita ng Gobernador, kanyang ipinarating ang pasasalamata sa pamunuan ng Kampilan, 6th Infantry Division.  Labis umano siya nagagalak sa karangalan na ibinigay sa kanya ng naturang organisasyon.

Naging katuwang umano niya ang Kampilan sa pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan na kanyang pinaglilingkuran at sa bahaging ito ng Mindanao.

Ani Mangudadatu, mga opisyal ng militar ang mga nauunang gobernador ng lalawigan ng Sultan Kudarat sa katauhan nina Heneral Gonzalo H. Siongco at Benjamin C. Duque. 

Nang mahalal aniya noong 1998 bilang kauna-unahang gobernador ang ama na si Sultan Pax S. Mangudadatu, Al Haj, ang lalawigan ng Sultan Kudarat ay pangwalo sa pinakamahirap ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Bilang alkalde ng bayan ng Lutayan at Pangulo ng League of Municipal Mayors, Sultan Kudarat Chapter, siya ay nakipagtulungan sa pagpapatupad ng iba-ibang mga programa upang mapaangat  ang kalagayan ng mga mamamayan sa Sultan Kudarat at ipinagpatuloy ang mga gawaing ito nang siya ay mahalal na kongresista at gobenador.

Isa na rito ang paghahatid ng mga libreng serbisyong medical hanggang sa mga liblib na lugar.  Libu-libong bilang ng mga mamamayan ang nakinabang sa programang ito lalo na ang mga mahihirap.

 Maraming bilang din ng mga residente ang umangat ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga libreng proyektong pangkabuhayan na ipinamahagi sa kanila.  At libu-libo ring bilang ng mga kabataan ang nakinabang sa scholarship programs kabilang na rito ang masteral courses para sa mga guro.  Ilan sa kanila ay mayroon ng kani-kaniyang hanapbuhay.

Higit sa lahat ang ginawang pagbuo ng kaniyang ama ng Interfaith, isang organisasyon na binubuo ng mga religious leaders tulad ng ulama, ustadz, pandita, pastors, pari at madre. 

Magkaiba man aniya ng paniniwala at kulturang pinagmulan ngunit hindi ito naging hadlang para magkaroon ng pag-uunawaan at pagkakaisa ang mga mamamayan sa Sultan Kudarat.

Kasama na rin umano sa mga programang ito ayon sa Gobernador ang “transparency of governance”.  Ito aniya ang nagsisilbing daan para malaman ng mga taumbayan ang direksyon ng kasalukuyang administrasyon.

Pagkatapos ng kaniyang pananalita ay iniabot sa kanya nina 6th Infantry Divison Commander MGen. Romeo L. Gapos at Maj. Sergio P. Macarandan ang “plaka” bilang pasasalamat sa pagdalo niya at pagiging isang pangunahing taga-pagsalita.

Kasunod nito ay isinagawa ang isa pang programa sa Infantry Division Grandstand.  Ginampanan ni LTC Noly F. Lapizar, PA, Division Adjutant ang pagbabasa ng General Order Number 265 bago isinabit nina MGen. Romeo L. Gapos at Col. Pablo L. Liwan, PA ang pagsasabit ng ranggong Lt. Colonel kay Governor Mangudadatu.

Muling ipinarating ng Gobernador ang pasasalamat sa lahat.  Sa kanyang mahal na maybahay, Datu Abdullah Sangki Mayor Bai Marriam S. Mangudadatu, panganay na anak, Datu Pax Ali at 1st District Congressman Raden Sakaluran kabilang na rito ang mga Department Heads mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat.  (Ariel D. Arsenio/PPDO-SK)

Related Links