News

PAGSASAGAWA NG PROVINCIAL DISASTER PREPAREDNESS COORDINATION ENGAGEMENT NAGING MATAGUMPAY!

Naging matagumpay ang isinagawang Provincial Disaster Preparedness Coordination Engagement noong May 25-26, 2015 sa East Asia Royal Hotel, General Santos City.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office – Sultan Kudarat sa pamumuno ni PDRRM Officer Henry J. Albano at ng Department of Interior and Local Government – Sultan Kudarat.

Naroon din si Community Affairs Officer III Lovely Joy Halegado at mga kasamahan nito mula sa Sultan Kudarat Rescue Team upang pangasiwaan ang naturang aktibidad.

Mahigit naman sa 60 na mga Disaster Risk Reduction Management Officer mula sa iba’t-ibang munisipalidad at lungsod sa lalawigan ang nakilahok sa isinagawang disaster preparedness coordination engagement.

Sa pagsisimula ng naturang aktibidad ay tinalakay ni G. Augustus T. Tabugong ng DILG ang kahalagahan ng RA 10121 o ang Disaster Risk Reduction Management Act of 2010 upang palakasin ang DRRM system ng bansa.

Binigayang diin din ni G. Tabugo ang 4 na thematic areas na kinabibilangan ng Disaster Preparedness, Mitigation, Response and Recovery at ang importansya ng Joint Memorandum Circular No. 2014-1 na nagtatakda ng mga Local Disaster Risk Reduction Management Officers at Barangay Disaster Risk Reduction Management Councils.

Binigyan din ng pagkakataon ang bawat LGUs na ipresenta ang kahandaan at preparasyon ng mga ito sa panahon ng sakuna.
Ayon naman kay PDRRMO Officer Henry J. Albano, isandaang porsyento umanong handa ang pamahalaang panlalawigan sa panahon ng sakuna. Sinabi rin nito na laging handa at nakaantabay ang mga gamit at mga rescuers nito kung saka-sakaling kailanganin sa pagresponde sa anumang kaganapan.

Samantala, isa rin sa naging paksa ay ang paggamit ng DRRM Funds kung saan ipinaliwanag ni Supervising Auditor Virginia G. Datukon ng Commision on Audit ang tamang paggasta sa naturang mga pondo.

Tinalakay din ang mga protocol sa pagdedeklara ng State of Calamity sa panahon ng sakuna.

Bukod dito ay nanumpa na rin sa tungkulin ang mga opisyales ng Sultan Kudarat DRRMO Federation Officers na kauna-unahan sa Rehiyon ng SOCSKSARGEN.

Samantala, inaasahan naman na sa naging tagumpay ng naturang aktibidad ay mas mapapabuti at mapaiigting pa ang kakayahan at kahandaan ng bawat LGU sa lalawigan sa pagharap sa hamon ng sakuna. (J.Aujero/PPDO-SK)

Related Links