News

SULTAN KUDARAT GOVERNOR SUHARTO T. MANGUDADATU AL HAJ AT VICE GOVERNOR ERNESTO F. MATIAS MD PINASINAYAAN ANG MGA LIVELIHOOD PROJECTS SA BAYAN NG BAGUMBAYAN!

Sa hangaring mabigyan ng maginhawang buhay ang ating mga kakababayan dito sa Sultan Kudarat ay muli na namang umikot si Governor Suharto T. Mangudadatu Al Haj kasama si Vice Governor Ernesto F. Matias MD upang pasinayaan ang pagbibigay ng mga livelihood project sa anim na barangay sa bayan ng Bagumbayan noong Mayo 19-20, 2015.

Kabilang sa mga barangay na kinamusta nina Governor Mangudadatu at Vice Governor Matias ay ang Brgy. Kapaya, Sison, Bai Sarapinang, South Sepaka, New Pangasinan at Bual.

Kasama din sa pagbisitang ginawa ay sina Dr. Edwin Nacito at Kent Dela Cerna mula sa Office of the Provincial Veterenarian, Ms. Angie Saligan mula sa Provincial Governor’s Office at technical team mula sa Provincial Planning and Development Office na sina Jonathan at Eula Marie Bergado.

Bukod sa pangangamusta sa ating mga kababayan ay isa sa pangunahing dahilan ng pagbisita nina Governor Mangudadatu at Vice Governor Matias ay ang pagtuturn-over ng mga Piggery Housing Units sa mga nabanggit na mga barangay. Ito ay sa ilalim ng “Hog to Hug” o “Healthy and Organized Group Towards Happy and United Generation” Piggery Swine Dispersal Livelihood Project na inisyatibo ni Governor Mangudadatu at 1st District Congressman Raden Sakaluran.

Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga residente ng naturang mga barangay kina Governor Mangudadatu at Vice Governor Matias.

Doon ay inorganisa ang PTM ABYAN BAYANIHAN kung saan gumawa ng samahan ang mga residente ng mga barangay upang tutukan at pangalagaan ang mga housing units kasama na ang mga inahing baboy. Nagkaroon naman ng oryentasyon patungkol sa PTM ABYAN at pinaintindi ang konsepto ng “Bayanihan” sa bawat isa mula kay Ms. Angie Saligan.

Sa pananalita naman ni Governor Mangudadatu ay magiliw itong nagbigay ng mensahe sa mga residente ng mga barangay na napuntahan. Ayon sa gobernador ay isa lamang ang Piggery Swine Project sa mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang bigyan ng kabuhayan ang mga mamamayan dito sa lalawigan. Binigyang diin din nito ang pagkakaisa ng bawat isa upang makamit ang kaunlaran.

Maliban sa livelihood project na ito ay patuloy din ang binibigay na serbisyo ng pamahalaang panlalawigan. Isa na dito ay ang pagbibigay ng burial assistance, libreng health services hatid ng mobile outreach team, at educational assistance sa pamamagitan ng mga scholarships.

Nagbigay din ng pananalita si Vice Governor Matias at sinigundahan ang sinabi ng gobernador na ang pagkakaiisa ng bawat mamamayan lalung-lalo na sa mga barangay ay ang daan tungo sa kaunlaran kasama na ang livelihood project ng pamahalaang panlalawigan.

Abot langit naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng mga barangay council at mga kasapi ng PTM ABYAN BAYANIHAN sa pambihirang pagkakataong makapiling ang mahal na Governor at Vice Governor.

Nanumpa rin ang mga opisyales ng ng PTM ABYAN sa bawat barangay na pinangunahan ni Governor Mangudadatu.

Sa tuwa naman ni Governor Mangudadatu sa naging pagtanggap sa kanila ng mga residente sa ay namigay ito ng karagdagang mga biik sa ilang mga residente ng mga barangay na napuntahan.

Sa kabuuan ay naging matagumpay ang naging pagbisita ni Governor Mangudadatu at Vice Governor Matias sa mga barangay sa Bagumbayan. Isa umano ito sa kanyang hangarin kasama ang pamahalaang panlalawigan na maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat mamamayan dito sa lalawigan ng Sultan Kudarat. (J.Aujero/PPDO-SK)

Related Links