The Official Website of the

Province of Sultan Kudarat

Mga Kabataan ng Sultan Kudarat Sumailalim sa Aktibidad ng Department of Interior and Local Government!

Sumalang ang mahigit-kumulang sa 200 mga kabataan ng lalawigan ng Sultan Kudarat sa isinagawang aktibidad ng Department of Interior and Local Government noong April 29, 2015 na isinagawa sa SP Hall, Provincial Capitol Building, Isulan, Sultan Kudarat. Ang naturang aktibidad ay tinaguriang “WEMBOREE: Changing the Mindset from ME to WE” na naglalayong magbigay ng impormasyon sa mga kabataan tungkol sa emergency preparedness, at paghihikayat sa mga kabataan ng “spirit of volunteerism” sa panahon ng pangangailangan. Sa naging panimulang programa ay sinabi ni DILG Provincial Director Margarita H. Baynosa ang kahalagahan ng mga kabataan sa tinatawag na “Nation Building”. Ayon sa kanya ay isang mahalagang sektor ang kabataan dahil sa kalakasan ng mga ito. Ipinabatid din ni Director Baynosa na ang WEMBOREE na bahagi ng Oplan Listo ay isang programa ng kanilang departamento na nagpapalakas sa bawat LGUs, Academic Institutions, at Civic Society Organizations sa pagharap sa hamon ng climate change. Nagpasalamat naman si Provincial Social Welfare and Development Officer Henry J. Albano sa pagsasagawa ng DILG ng naturang aktibidad sa lalawigan at sinabi nito na bukas at buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga susunod pang programa ng DILG. Samantala, ang dalawang araw na aktibidad ay naka-focus sa pakikibahagi ng mga kabataan sa disaster risk reduction at disaster resiliency. Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang RA 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010″. Naging lecturer naman sa naturang aktibidad si G. Melvin Alvior mula sa PSWDO, Engr. Arturo Zambrano mula sa Rotary Club of Isulan at mga speaker mula sa Save the Children at Philippine Red Cross. Samantala hinati ang grupo ng kabataan at sumalang ang mga ito sa iba’t-ibang paksa sa break-out sessions mula sa Response Team, Resource Mobilization Team at Rehabilitation and Recovery Team. Maliban sa ginawang lectures ay nagkakaroon din ng nga mga kompetisyon na sumasalamin sa mga disaster challenges. Ilan sa mga ito ay ang Bottle Painting, Poster Making at Jingle Contest. Samantala ay inaasahan naman na sa isinagawang aktibidad ay mas magkakaroon pa ng kaalaman ang mga kabataan dito sa lalawigan ng Sultan Kudarat sa pagpigil at pagharap sa hamon ng mga sakuna dulot ng climate change. (J.Aujero/PPDO-SK)