The Official Website of the

Province of Sultan Kudarat

Mga SPES Beneficiaries ng Provincial Capitol Sumalang sa U4U Teen Trail Initiative ng United Nations Population Fund!

Sumalang ang mahigit sa 200 na mga SPES beneficiaries ng Provincial Capitol sa isinagawang U4U Teen Trail Initiative na isinagawa noong May 6, 2015 at May 13, 2015 ginanap sa SP Hall, Provincial Capitol Building, Isulan Sultan Kudarat.

Ang dalawang sesyon ng U4U Teen Trail ay pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pakikibahagi ng Commision on Population, Center for Health Solutions & Innovations Philippines, Inc. (CHSI) at UNFPA o United Nations Population Fund.

Ang U4U o “Youth for Youth” ay isang programa ng Comission on Population at CHSI na naglalayong magbigay ng kaalaman sa mga kabataan partikular sa mga teens at adolescents tungkol sa ARH o Adolescence Reproductive Health.

Naroon naman sina Provincial Social Welfare and Development Officer Henry J. Albano, SK PESO at SPES Coordinator Jonix Paniagua at PPO III Letecia C. Rafer at mga kasamahan nito sa PSWDO upang pangasiwaan ang naturang aktibidad.

Ang dalawang batch ng mga SPES beneficiaries ay sumalang sa iba’t-ibang aktibidad na hatid ng U4U Teen Trail.

Nariyan ang “Bakas-Bukas Interactive Exhibit” kung saan ay isa-isang huminto ang bawat grupo ng mga kabataan sa bawat exhibit upang alamin ang iba’t-ibang paksa tulad ng pagkilala sa kanilang sarili, mga impormasyon upang maiwasan ang premarital sex, teenage pregnancy at Sexually Transmitted Infections o STIs.

Maliban dito ay nagkaroon din ng ilang mga open sessions kung saan iniisa-isa ng mga kabataang ito ang pagbabagoong kanilang nararanasan sa panahon ng adolescent stage.

Nagkaroon din ng isang maikling film viewing ang bawat grupo na tumalakay naman sa human trafficking at child pornography at dito ay maalam na inisa-isa ng mga kabataang ito ang mga hakbang upang ito ay labanan at iwasan.

Samantala sa pagtatapos ng naturang aktibidad ay nagbigay naman ng inspirasyon si Provincial Administrator Engr. Florante A. Malinao. Ibinahagi nito ang kanyang naging karanasan noong siya ay bata pa hanggang sa mga nakamit niya ang tagumpay sa buhay na tinatamasa niya ngayon.

Kanya ring hinimok ang mga kabataan na unahin muna ang pag-aaral bago ang iba pang mga bagay. Hinimok niya rin ang mga ito ng mangarap ng malaki at pagsumikapan na maabot ang mga ito.

Samantala, inaashan naman na sa pagsasagawa ng aktibidad na ito ay magkakaroon ito ng positibong epekto sa mga kabataan dito sa lalawigan ng Sultan Kudarat. (J.Aujero/PPDO-SK)